Sabado, Enero 4, 2014



Pundasyon ng Pagkakaibigan

            "Ang pagyao ng isa ay dapat maging pagsibol ng nakararami".
            Isang makabuluhang linya na nagmula sa isang documentary video ng dati kong estudyante sa Los BaƱos, Laguna na si Matt Baguinon at sa kanyang kaibigan na si Pol Singson (2013).  Simpleng pangungusap pero malalim na kahulugan ang nais iparating.
     December 24, 2013. Nakatanggap ako ng isang napakalungkot na balita na kung saan ang dati kong mentor, adviser at mother na maituturing na si Ana Josefina Moneda ay yumao na. Nag-migrate siya sa New Zealand kasama ng kanyang pamilya. Hindi naging hadlang ang tawid-dagat o himpapawid upang maipagpatuloy ang pagiging magkaibigan.  Updated pa rin ako sa mga events at adventures niya sa kanyang buhay-pamilya. Tuloy pa rin ang usapan sa pamamagitan ng  facebook. Kaya ang kanyang paglisan ay isang batong dumagan sa aking dibdib. Nawalan na naman ako ng isang minamahal na kaibigan.
           Naalala ko tuloy ang pangyayari sa Tacloban, Leyte kung saan libong katao ang nangamatay at may hindi pa natatagpuan.
Kahindik-hindik ang pangyayari dahil sa Bagyong Yolanda. Kung masakit na ang mawalan ng kaibigan iyon pa kayang halos hindi mabilang na kaanak ang hindi matagpuan at kung matagpuan man ay isa nang malamig na bangkay. 
        Tinuruan nga tayo ng DIYOS na maging matatag sa pagsubok ng buhay. Nagsisimula na ngang bumangon sa pagkakalugmok ang mga biktima ni Yolanda. Ipinakikita nito na habang may buhay, may pag-asa.
             Pagkawala, paglisan at pagyao, magkakaibang salita pero iisa ang kahulugan. Mga salitang naranasan ko noong Setyembre 29, 2012 nang iwanan kaming magkakapatid ng aking ina sa mundong ating ginagalawan. Masakit tanggapin dahil napakabilis nang pangyayari. Hindi man lang umabot ng isang buwan nang magsimulang sumakit ang kanyang ulo. Sinusunod naman ang payo ng manggagamot, uminom ng gamot, magpa-CT scan, at magpahinga. Kahit pala anong gawin, “ANG NAKATAKDA AY NAKATAKDA NA”. Lumisan si Nanay sa sakit na aneurysm at na-comatose ng dalawang gabi sa hospital.
          Parang pinutulan ako ng isang paa sa pangyayari dahil hindi lamang ina ang nawala sa amin kundi kaibigang takbuhan sa oras ng pangangailangan. Pero sa oras ng pagdadalamhati may isang nagsabi sa aming magkakapatid. “Hindi kayo nawalan ng ina. Narito ako. Simula ngayon ako na ang Nanay ninyo.” Napukaw ang aking damdamin ng marinig iyon. Hindi tumigil ang pagdaloy ng luha sa aking mga mata. Kung sa Luisiana, Laguna may Nanay Chato kaming magkakapatid, pagdating ko ng Calamba dalawa ang naging magulang ko at kaibigan, sina Ninong Sir Doods at Ninang Eva. May tagapayo ka na, may kaibigan pang kasa-kasama sa trabaho at kasiyahan.
            Tama nga ang kasabihang, “Kapag nagsara ang pintuan, maraming bintana ang magbubukas”. Hindi man mapapalitan ang inang nag-aruga at kumalinga sa amin, tatlo naman ang ibinigay NIYANG magsisilbi kong magulang na umaalalay sa akin o sa aming magkakapatid. Alam nga ng NIYA ang pangangailangan nating mga tao.
           Hindi lang iyon, andiyan pa rin ang Satuday Fun Club (SFC) na patuloy na tumatatag at tumitibay. Hindi man kami laging magkakasama pero ang samahan ay pinagbibigkis ng pagkakaunawaan. Kapamilyang maituturing at kabahagi ng buhay. Nadaragdagan at dumarami kung kaya nadodoble ang sigla ng buhay kapag nagkakasama-sama.
            Madaling magkaroon ng kaibigan pero ang TUNAY NA KAIBIGAN pinagtatrabahuhan iyan at parang punong inaalagaan, iniingatan at pinahahalagahan. Kaibigan, hindi lamang sa gimikan kundi sa pagdadalamhati. Hindi tulad ng mga kaibigan sa facebook, twitter, bloggers, tumbler o anupamang social networking website na kapag nainis ka pwede mo nang i-unfriend.
        Dalawa na nga ang lumisan kong kaibigan at isang mapagmahal na ina. Alam kong andiyan lamang sila na sumusubaybay sa patuloy kong pakikipagsaparalan at pakikibaka sa buhay. Hindi ko man kayo nakakasama sa mundong aking ginagawalan pero bahagi kayo ng aking nakaraan at alaala sa darating na bukas.
            Ang pagyao ng isa ay hindi hadlang upang muling buksan ang puso sa darating pang mga kaibigan na siya mong makakasama sa tagumpay, lungkot, pakikipagsapalaran       , dalamhati, pagsubok, at gimikan. Patuloy lamang na umiikot ang mundo para muling harapin ang nag-aalay na magandang bukas at sumibol ang bagong pag-asa ng TAGUMPAY. Iyon ay ang pagkakaroon ng TUNAY at TAPAT na KAIBIGAN.
Tatlong tao ang nasa isip ko habang sinusulat ko ang artikulong ito bukod sa aking mga kaibigan. Kung nasaan man sila ngayon, nawa'y masaya na sila sa PILING NG ATING POONG MAYKAPAL. Ang alaala ninyo ay mananatili sa aking puso dahil naging bahagi ka ng buhay ko. Maraming salamat sa magagandang alaala Cherry Visey, Ana Josefina Moneda at Nanay Norieta Estrabo.

*nle010414

Mga Sangggunian: